Susuriin ng Philippine National Police ang neuropsychiatric background ng isang sundalong namaril ng kapwa sundalo sa Camp Evangelista sa Cagayan de Oro City nitong Sabado.
Sa gitna pa rin ito ng kasalukuyang ikinakasang imbestigasyon ng mga otoridad sa naganap na shooting incident sa loob ng nasabing kampo na ikinasawi ng limang sundalo kasama na ang mismong suspek dito.
Ayon kay PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., titignan ng pulisya ang neuropsychiatric background ng suspek sa pamamaril upang malaman kung mayroon ba itong problema pagdating sa pagha-handle ng stress na posibleng naging dahilan ng kaniyang pamamaril nito sa kaniyang mga kasamahan.
Kaugnay nito ay sinabi rin ni Azurin na isasailalim din niya sa neuropsychological evaluation ang mga tauhan ng PNP.
Kung maalala, una nang sinabi ni Philippine Army spokesperson Xerxes Trinidad na magsasagawa sila ng internal investigation hinggil sa naturang pangyayari upang alamin kung mayroon bang possible gaps sa kanilang recruitment at training process upang maiwasan na at hindi na maulit pa ang ganitong klase ng mga insidente.