-- Advertisements --
PNP CHIEF PGEN RODOLFO AZURIN JR

Nagpahayag ng suporta ang liderato ng Pambansang Pulisya sa hakbang ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. na magsagawa pa ng malalimang imbestigasyon sa isyu ng 990 kilo shabu raid na naganap noong Oktubre 2022.

Ito ay matapos na ibunyag ni Abalos ang pagkakakilanlan ng mga matataas na opisyal na sangkot sa umano’y sabwatan at tangkang cover-up na nauugnay sa pagkakaaresto kay PMSG Rodolfo Mayo Jr.

Sa isang pahayag ay sinabi ng PNP na sinusuportahan din nito ang panawagan ng kalihim sa naturang mga police officials na boluntaryong magsumite ng leave of absence upang magbigay daan sa kanilang isasagawang imbestigasyon.

Naniniwala anila ang pulisya na ito lamang ang pinakamaingat na paraan na dapat gawin ng mga kinauukulan upang maiwasan nitong maimpluwensyahan ang kasalukuyang imbestigasyon ukol sa nasabing kaso.

Anila iginagalang nila ang mga paglilitis na isasagawa ng National Police Commission at maging ang lahat ng mga magiging direktiba nito.

Samantala, kaugnay nito ay tiniyak naman ng PNP na hinding-hindi nito kukunsintihin sa lahat ng pagkakataon ang anumang uri ng maling gawain ng sinumang miyembro ng organisasyon, kahit ano pa man ang ranggo at posisyon nito.

Kung maaalala, bumuo ang Pambansang Pulisya ng Special Investigation Task Group 990 alinsunod sa naging rekomendasyon ni PNP Drug Enforcement Group Director PBGEN Narciso Domingo matapos madiskubre na mayroong ilan sa kaniyang tauhan ang nagnakaw ng 42 kilos na shabu mula sa 990 kilos ng shabu na nasabat mula sa pangangalaga ni Mayo.

Ngunit kamakailan lang ay nakaladkad ang pangalan ni Domingo sa umano’y sabwatan at tangkang pagtakpan ang naturang krimen matapos siyang mapabilang sa mga pinangalanan ni Abalos na sangkot sa nasabing ilegal na gawain.