-- Advertisements --

Nanawagan ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na huwag basta-basta paniwalaan ang pag-ako ng ISIS na sila ang responsable sa madugong car-bomb explosion sa Lamitan, Basilan noong Martes.

Ayon kay PNP spokesperson P/S/Supt. Benigno Durana, kilala ang ISIS sa kanilang gawaing palabasin na sila ang responsable sa mga malalaking terrorist attacks bilang bahagi ng kanilang propaganda.

Inihalimbawa ni Durana ang pag-ako ng grupo sa “October 2017 Las Vegas Shooting” kung saan 57 nasawi at sugatan ang 500 katao, pero ayon sa Federal Bureau of Investigation (FBI), isang senior citizen ang tanging may kagagawan.

Kaya hindi aniya kataka-taka na akuin din ng ISIS ang responsibilidad sa pagsabog sa Lamitan.

Binigyang diin ni Durana na batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP, ang pagsabog sa Lamitan ay kagagawan ng Basilan-based Abu Sayyaf group sa pamumuno ni Furuji Indama.

Ang pagsabog ay may kaugnayan sa sa napurnadang extortion activity.

Tiniyak naman ni Durana na patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP at AFP sa insidente at ginagawa ang lahat para maproteksyunan ang mga posibleng target.

Sa report na nakuha ng Bombo Radyo, halos lahat ng mga alkalde sa Basilan ay may natatanggap na extortion letter.