-- Advertisements --

ILOILO CITY – Iniimbestigahan na ng Police Regional Office (PRO)-6 ang pangyayari kung saan nagkamali ang Zarraga Police Station sa Iloilo sa pag-aresto sa isang suspek sa kasong murder.

Ang suspek sa krimen ay si Cris S. Parcia kung saan naugnay ito sa pagpatay noong Mayo 30, 2002 sa Barangay Jalaud Norte, Zarraga Iloilo.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Lt. Col. Arnel Solis, spokesperson ng PRO-6, sinabi nito na tumulak sa Murcia, Negros Occidental ang mga pulis sa Zarraga-Philippine National Police upang hulihin ang isang lalaki na nagngangalan Chris L. Parcia.

Nang iniharap sa witness, nilinaw nito na maling tao ang kanilang nadakip at pareho lang ang pronunciation o pagbanggit ng kanilang pangalan.

Kaagad namang hiningan ng paliwanag ni Iloilo Police Provincial Office Director Police Col. Adrian Acollador ang hepe ng Zarraga Police Station na si Police Major Aldrin Lamera sa insidente.

Mabilis ding ipinag-utos ng korte na palayain ang hinuli at pinauwi sa Negros Occidental na hindi man lang binigyan ng pamasahe ng mga pulis.