Kinuwestiyon ni Mandaluyong police chief, PCol. Moises Villaceran ang seguridad ng National Center for Mental Health matapos ang naganap na barilan sa loob ng ospital nitong Huwebes na ikinasawi ng tatlong katao.

Ayon kay Villaceran, nakapagtataka kung paano nakapagpalusot ng .45-caliber pistol sa loob ng ospital ang suspek na kinilalang si Wilfredo Ocampo.

Paliwanag ng opisyal, nakalagay ang baril sa loob ng isang brown envelope na umano’y hindi sinita ng guwardya sa entrada dahil sa “frequent visitor” at maayos makitungo si Ocampo.

Sa hindi pa malamang kadahilanan, habang nasa Ward 1 ng ospital bandang 2:30 kahapon ng hapon, binaril ni Ocampo ang kanyang apo na si Joshua sa dibdib at sa tagiliran, at sinunod ang kanyang asawa na si Celia Ocampo, 78, na nagtamo ng tama sa dibdib.

Matapos nito ay mistulang nagpakamatay ang suspek sa pamamagitan ng pagbaril sa kanyang ulo.

Dead on the spot ang dalawang lalaki, habang si Celia ay nadala pa sa hospital infirmary, pero namatay din makalipas ang isang oras.

Ani Villaceran, posibleng may pananagutang administratibo ang ospital sa insidente.

Iniimbestigahan na sa ngayon ng Mandaluyong PNP ang pangyayari.