-- Advertisements --

PNP, pinarangalan ang pulis na nasawi sa anti-drug ops sa Rizal

Pinarangalan ng Philippine National Police (PNP) ang pulis na binawian ng buhay kamakailan sa gitna ng isang buy-bust operation sa bayan ng Pililia sa probinsya ng Rizal.

Mismong si PNP Officer-in-charge Lt. Gen. Archie Gamboa ang naggawad ng “Medalya ng Kagalingan” (Medal of Merit) kay Staff Sgt. Michael Cabillo.

Naka-ukit sa medalya ang gintong “kalasag” sheild at imahe ni Lapu-lapu.

Ibinigay ito ni Gamboa kagabi sa asawa ni Cabillo sa burol ng napaslang na pulis.

Ayon kay Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon (CALABARZON) police spokesperson Lt. Col. Chitadel Gaoiran, kinikilala ng buong PNP ang “single act of heroism” ni Cabillo.

Samantala, binisita rin nina Gamboa at CALABARZON police director Brigadier Gen. Vicente Danao ang dalawang iba pang pulis na sugatan sa naturang operasyon.

Ginawaran nila ng “Medalya ng Sugatang Magiting” sina taff Sgt. Lazaro Guinao-wa at Patrolman Paul Ryan Santos na pawang nagpapagaling pa sa ospital.

Ang tatlong pulis ay kasama sa buy-bust operation na ikinasa laban sa suspect na si Neser Tena sa Barangay Bagumbayan noong Oct. 25.

Nabaril at binawian ng buhay si Cabillo nang tangkain ni Tena na tumakas at magtago sa isang apartment.

Habang nasa loob, nagawa pang ma-hostage ni Tena ang siyam na bata bago tumakbo para tumakas, dahilan para habulin ito ng mga pulis.

Nagtamo ng mga sugat sina Guinao-wa at Santos nang magpalitan ng putok ng baril kay Tena, na kalaunan ay natamaan at binawian din kaagad ng buhay.