NAGA CITY – Umalma ngayon ang kapitan ng Barangay San Francisco, Balatan, Camarines Sur matapos tambakan ng lupa sa isang checkpoint area sa lugar na may kaugnayan sa ipinatupad na enhanced community quarantine.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Kapitan Santos Llona, sinabi nitong ang mismong hepe ng Balatan PNP ang nagpadumping sa lugar mismo kung saan mayroong checkpoint.

Aminado naman ang kapitan na ang naturang lugar ang ginagawang shortcut ng mga tawong nais maiwasan ang mga checkpoints ng kapulisan.

Kaugnay nito, hangad ngayon ni Llona ang konting sakripisyo mula sa mga residente dahil tatanggalin lang naman aniya ang naturang dumping.

Naniniwala naman si Llona na kung may mga pulis na magbabantay sa mismong lugar, hindi naman kinakailangang tapalan ng lupa ang checkpoint area.

Aniya, kulang ang mga pulis sa Balatan kung kaya naisipan na lamang ng kapulisan na harangan ng lupa ang kalsada para walang makadaan na sasakyan.

Sa kabilang dako, ayon sa Balatan PNP, ang naturang hakbang ay inisyatibo aniya ng kanilang alkalde bilang para mas makontrol ang mga sasakyang pumapasok at lumalabas sa nasabing bayan.