Balik na sa normal alert status ang Philippine National Police (PNP) ngayong naiproklama na ang 12 nanalong senador sa ginanap na May 13, 2019 midterm elections.
Ayon kay PNP spokesperson P/Col. Bernard Banac, mula Region 1 hanggang Region 8 kasama ang National Capital Region at Cordillera ay nasa normal alert status na uli.
Hindi kabilang dito ang Region 9 hanggang Region 13 kasama ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nananatiling nasa full alert status dahil nasa Martial Law ang buong Mindanao.
Sinabi ni Banac na nagagalak ang PNP na naiproklama na ang mga nanalong senador.
Sa pangkalahatan, “generally peaceful and orderly” ang halalan kaya ibinaba na ng PNP ang alert level.
Sa ngayon, tututukan na ng PNP ang kanilang kampanya laban sa mga kriminalidad partikular ang kanilang war on drugs.
Ayon kay Banac, balik na sila sa law enforcement mode.