Reading Time: 1 minute

BI, NBI, at PNP pinakikilos vs prostitution dens para sa mga POGO workers

Pinakikilos ni ACT-CIS Party-list Rep. Eric Yap ang mga otoridd laban sa naglipanang prostitution den sa bansa.

Hamon ito ng kongresista matapos matukalasan kamakailan ang ilang establisiyemento na nagsisilbi umanong pugad ng prostitusyon na eksklusibo para sa mga Chinese nationals na nasa bansa.

Kinalampag ni Yap ang Bureau of Immigration (BI), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP) at mga lokal na pamahalaan na higpitan ang pagpapatupad ng batas laban dito.

Hinihimok din nito ang pulisya na agad kasuhan ang mga mahuhuli ng paglabag sa Republic Act 10364 o ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012.

Nitong Lunes nang maligtas ang nasa 35 babaeng Chinese sa isang hotel sa Makati na nagsisilbi umanong sex den para sa mga empleyado ng offshore gaming operations sa bansa.

Ikina-alarma ni Yap ang ulat lalo na’t hindi ito ang unang pagkakataon na may nahuling establishimento para sa mga Chinese nationals.

“Kinokondena natin ang anumang uri ng prostitusyon ngunit mas nakakabahala na marami na ding naglulutangan na mga foreign prostitution establishments sa bansa,” ani Yap.

“Hindi na lang yata tayo conducive sa mga foreign POGO workers, mukhang namimistulang hot spot na din yata tayo sa prostitusyon,” dagdag pa nito.