Naniniwala ang Philippine National Police na mas mapapabilis pa ngayon ang kanilang pagtugis kina dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag at deputy nito na si Ricardo Zulueta.
Kasunod ito ng naging anunsyo ng Department of Justice na pagpapataw ng Php2-milyong pabuya para sa ikadarakip ni Bantag, at Php1-milyon naman para sa sinumang makakapagturo sa kinaroroonan ni Zulueta.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol Jean Fajardo, ang mga pabuyang ito na ipinataw sa naturang mga suspek sa pagpatay sa beteranong broadcaster na si Percy Lapid ay malaki ang maitutulong sa para sa Pambansang Pulisya.
Sa pamamagitan kasi aniya ng mga ito ay umaasa ngayon ang pulisya na lulutang na ang sinumang mga may impormasyon sa posibleng kinaroroonan ng naturang mga pugante.
Samantala, kasunod nito ay umapela naman si Fajardo kay Bantag at Zulueta na sumuko na sa mga otoridad at harapin na ang mga kasong kanilang kinakaharap.
Kung maaalala, una nang nagpalabas ng arrest warrant ang Muntinlupa City Regional Trial Court Branch 206 at Las Piñas Regional Trial Court Branch 254 laban sa dalawa kaugnay pa rin sa pamamaslang kay Lapid at Jun Villamor na itinuturong middleman sa pagpatay sa naturang broadcaster noong Oktubre 2022.