KORONADAL CITY – Mahigpit na nanindigan ang pulisya na lehitimo ang kanilang isinagawang operasyon sa Sitio Ebenezer, Barangay Rang-ay, Banga, South Cotabato madaling araw ng Biyernes na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang indibidwal kabilang na ang isang menor de edad.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Police Col. Nathaniel Villegas, provincial director ng South Cotabato, target ng isinagawang operasyon ang dalawang most wanted person na nagtatago sa nabanggit na lugar na kinabibilangan nina Richard Bokong (Rank No. 2 Most Wated person in Municipal level) at Lucas Tonan (Rank No. 1 Most Wanted person in provincial level) sa kasong murder noong May 6, 2013 pa.
Ayon kay Villegas, bago pa man ang operasyon ay makailang beses nang pinlano ang pag-aresto sa mga suspek ngunit masyadong madulas ang mga ito at palaging nakakatakas dahil sa pahirapan para sa mga otoridad ang lugar kung saan sila nagtatago.
Kaya’t muling ikinasa ang joint operation (RID 12, RSOG 12, SCPIU, 1st SCPMFC at Banga MPS) laban sa mga suspek kaya lang nanlaban umano ang mga ito at sila ang unang nagpaputok sa mga operatiba kaya’t napilitang gumanti ang mga pulis at nangyari ang palitan ng putok na nagresulta sa pagkamatay nina Bokong at isang 14-anyos na kinilalang si Jemiles Dasan habang nakatakas naman si Tonan bitbit ang baril nito.
Nakuha rin sa posisyon ng mga nasawi ang 1 calibre 45 na may live ammunitions, 1 unit 38 revolver, bala ng M14 live ammunition at 4 na empty shells mh 5.56mm.
Welcome naman sa pulisya ang planong pagsampa ng kaso ng pamilya ng menor de edad laban sa kanila.
Ipinasiguro naman ni Col. Villegas na sakaling may makitang lapses sa isinagawang operasyon at mapatunayang may kakulangan ang mga otoridad kung kaya’t nadamay ang 14-anyos na si Dasan ay handa rin nilang harapin.
Ngunit, naniniwala naman si Col. Villegas na ginamit lamang ng mga suspek ang bata kaya’t nadamay ito.
Nalulungkot din umano ang pulisya sa nangyari sa bata at nagpapaabot ng simpatiya sa pamilya.