-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Naka-heightened alert sa ngayon ang pulisya sa Pikit, North Cotabato matapos ang pagsabog ng granada na ikinasugat ng dalawa katao.

Ayon kay police Major Maxim Peralta, hepe ng Pikit PNP, nagpapatuloy pa sa ngayon ang imbestigasyon sa nangyaring pagsabog sa Fedel Flores St., Brgy Poblacion, Pikit, Cotabato bandang alas-4:15 kahapon ng hapon.

Kinilala ang mga biktima na sina Abdulraof Mustapha Pangatong, 29, may asawa, isang magsasaka at residente ng Sitio, Barangay Poblacion, Pikit, Cotabato at isang senior citizen.

Lumutang sa imbestigasyon ng mga otoridad na ang isang biktima sa nasabing pagsabog ay nakasakay sa kanyang motorcycle na Raider 150 nang biglang huminto sa isang welding shop na pagmamay-ari ni Jan Eric Regulacion.

Agad umanong lumabas ang ‘di kilalang suspect na dala ang isang granada na agad sumabog.

Ang biktima ay nagkasugat dahil sa shrapnel sa kanyang tiyan, kaliwa at kanang bahagi ng kanyang hita na kaagad namang dinala sa Cruzado Medical Clinic and Hospital para sa karampatang medikal.

Samantala ang suspect ay tumakas papuntang Brgy. Bulod na direksiyon pagkatapos ng insedente.

Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng Cotabato Provincial EOD /K9 Unit ang nasabing pagsabog base na rin sa mga nakitang safety lever at metal fragments na pinaniniwalaang mula sa isang hand grenade.

Inaalam pa rin naman ang motibo sa naturang pagsabog.