-- Advertisements --

Pumalo na sa 26 katao ang nasawi sa mga nagdaang epekto ng habagat at bagyong ‘Maymay’.

Ayon sa Philippine National Police (PNP) na mayroong 25 sibiliyan at isang pulis ang kanilang naitala dahil sa nasabing sama ng panahon.

Ang Cordillera Administrative Region ang may pinakamaraming naitalang nasawi sa kabuuang 16 dahil sa landslides sa lungsod ng Baguio at Benguet.

Mayroon namang pitong nasawi sa CALABARZON kung saan karamihan ay dahil sa landslides, pagkalunod, nakuryente at nabagsakan ng punong kahoy.

Habang dalawa ang nasawi sa Region 1 at isang pulis naman ang nasawi matapos malunod sa Cadiz City, Negros Occidental.

Nagtala rin ang PNP ng 15 indibidual na nasugatan kung saan 13 dito ay mula sa Cordillera at dalawa naman sa Calabarzon.

Hindi rin nakaligtas ang ilang kapulisan sa pananalasa ng sama ng panahon kung saan mayroong 33 na mga kapulisan ang nabaha ang kanilang bahay sa Metro Manila at sa MIMAROPA region.

Una ng sinabi ng PNP na mayroon silang ipinakalat na 3,187 na mga personnel para sa pagresponde sa mga naapektuhan ng sama ng panahon at mayroong 855 ang nakatalaga sa mga evacuation centers.