-- Advertisements --
image 22

Nagbabala ang Philippine National Police na tutugisin ang mga menor de edad na mahuhuling naninigarilyo o gumagamit ng vape sa labas ng kanilang mga paaralan.

Batay kasi sa survey na inilabas ng Global Youth Tobacco noong taong 2019, ay lumalabas na malaki ang kinakaharap na problema ng bansa pagdating sa access sa mga sigarilyo sa bansa.

Nasa mahigit kalahati kasi ng 6,670 na mga mag-aaral na may edad na 13 hanggang 15 taong gulang ang nagsasabing may mga nagbebenta ng sigarilyo sa labas ng kanilang mga paaralan, habang nasa 37.1% naman ng mga smoker na naitala sa bansa ang hindi manlang pinagbawalan na makabili ng mga sigarilyo.

Ayon kay PNP-PIO chief PCol Redrico Maranan, magfo-focus ngayon ang Pambansang Pulisya sa mga estudyanteng naninigarilyo at gumagamit ng vape.

Ngunit nilinaw niya na magkakaroon ng special handling ang PNP sa paghawak ng ganitong klase ng mga kaso kung saan sisitahin, pagbabawalan, paaalalahanan muna nito ang mga estudyante, atsaka kukumpiskahin ang vape ng mga ito kung matigas pa rin ang kanilang ulo.

Ayon sa PNP, ang panibagong hakbang naito ng kapulisan ay kasunod ng kanilang mga natatanggap na mga reklamo mula sa mga magulang na may kaugnayan sa paggamit ng vape at paninigarilyo ng maraming mga kabataan.