Kinumpirma ni PNP (Philippine National Police) chief Gen. Guillermo Eleazar na isinasapinal na ng kanilang Health Service ang mga rekomendasyon kaugnay sa pagsasagawa ng psychiatric at psychological exam sa lahat ng mga pulis.

Ito ay kasunod ng serye ng pagpatay at pamamaril ng ilang pulis kung saan pinakahuli ay ang insidente sa headquarters ng Manila Police District (MPD).

Dito ay walang habas na nagpaputok ng baril si Police Executive Master Sgt. Reynante Dipasupil sa MPD headquarters noong gabi ng Biyernes, kung saan isang kapwa pulis ang namatay habang isa naman ang nasugatan.

“This recent incident at MPD, along with the previous ones, highlights the need for us to closely look into the overall state of our men. Hindi nagtatapos sa kung paano nila ginagawa ang kanilang trabaho, kasama dito ang pagtingin sa kanilang physical, emotional at lalo na ang kanilang mental state,” pahayag ni Eleazar.

Sinaluduhan naman ng PNP chief ang mga pulis partikular si Cantal na nagbuwis ng kaniyang buhay para lang mapatigil sa pag-aamok ni Dipasupil.

“We grieve with the family of Sgts Dipapusil at Cantal and we assure them of our assistance, along with another policemen who was wounded during that attack,” pahayag pa ni Eleazar.

Binawian din ng buhay si Dipasupil na napag-alamang lasing pala nang makasagupa ang mga kasamahan niya.

Siniguro ni Eleazar na masusi ang ginagawang imbestigasyon sa insidente sa MPD.

Samantala kung maaalala, nasibak din sa serbisyo ang isang pulis na pumatay sa 52-anyos na babae sa Quezon City.

Isang binatilyong may special needs ang namatay naman matapos barilin ng pulis sa operasyon kontra tupada sa Valenzuela City noong nakaraang buwan.

Noong Disyembre, patay din ang mag-inang Sonia at Frank Gregorio mula Paniqui, Tarlac matapos ding barilin ng isang pulis.