-- Advertisements --

Inatasan ng Philippine National Police (PNP) ang mga police commander sa buong bansa na higpitan ang pagsunod sa tamang waste segregation at disposal bilang bahagi ng pagtugon ng pamahalaan sa lumalalang problema sa basura.

Ayon kay PNP chief Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., dapat maging halimbawa ang mga pulis sa pagpapanatili ng kalinisan sa kanilang mga opisina at komunidad.

Aniya, dapat magsimula mismo sa mga police office at unit ang tamang pagtatapon at paghihiwalay ng basura.

Saklaw ng direktiba ang lahat ng police office at unit, kabilang ang mga precinct, police station, municipal at city police station.

Inatasan ang mga commander na tiyaking may magkahiwalay na basurahan para sa biodegradable at non-biodegradable waste.

Sinabi ng PNP na susuportahan nito ang panawagan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Interior Secretary Jonvic Remulla para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng mga hakbang laban sa problema sa basura.

Samantala, nangako si Nartatez na tutulong ang PNP sa mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga ordinansa kaugnay ng tamang pagtatapon ng basura.