Mananatili muna sa kasalukuyang deployment ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) para sa mahigpit na pagbabantay sa mga lansangang hindi sakop ng patuloy na umiiral na patakaran ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na No Contact Apprehension Policy (NCAP).
Ito ang tiniyak ni PNP-HPG Spokesperson PLt. Dame Malang sa isang panayam sa loob ng Kampo ngayong araw.
Aniya, magpapatuloy ang buhos ng kanilang mga tauhan kaya naman makakaasa ang publiko na marramdaman at makikita ang presensya ng kanilang yunit sa mga kalsada sa loob ng bansa.
Binigyang diin rin ni Malang na mas dadagdagan nila ang pagtatalaga sa mga hindi hagip ng NCAP upang matiyak na magiging maayos pa rin ang daloy ng trapiko sa mga lugar na ito kasabay ng pagpapaigting ng police visibility na siyang direktiba ni PNP Chief PGen. Nicolas Torre III.
Batay sa datos, higit sa 120 na tauhan ang ipinakalat sa buong kalakhang Maynila habang hindi naman bababa sa 1500 na maga tauhan ang itinalaga na sa mga probinsiya na hindi hagip ng NCAP.
Kasunod naman nito ay binigyang diin rin ni Malang na pinapaubaya na nila sa MMDA at maging sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) ang pagtrack sa mga motoristang lalabag sa polisiyang ito ngunit tiniyak din ng tagapagsalita na maninita pa rin sila ng mga lalabag sa naturang patakaran.
Samantala, suportado naman ng HPG ang full implementation ng 911 hotline sa buong bansa para sa mabilis na pag-aksyon ng mga pulis sa mga emerhensiya ng publiko kung saan ksalukuyang ginagamit ng kanilang yunit ang higit sa 733 handheld radios para sa mas mabilis na komunikasyon.