TUGUEGARAO CITY – Lalo pa umanong hihigpitan ng pulisya sa Baggao, Cagayan ang pagbabantay kasunod ng pagkakahuli sa dalawang hinihinalang miyembro ng ISIS kamakailan.

Sinabi ni Police Maj. Rodel Tabulog, hepe ng PNP Baggao, ito ang kanilang ipinangako sa isinagawang peace and order council meeting matapos na mangamba sa kanilang seguridad ang mga mamamayan ng nasabing bayan.

Sinabi ni Tabulog na paiigtingin din nila ang kanilang pagkalap ng mga intelligence upang matukoy ang iba pang indibiduwal o grupo na may mga illegal activities sa kanilang nasasakupan.

Samantala, sinabi ni Tabulog na ang mga nahuling sina Alter at Greg Cariaga dahil sa pag-iingat ng mga baril at bala, improvised explosive device at watawat ng ISIS ay converted Muslim.

Ayon sa kanya, sila ang bumuo ng Muslim community sa Baggao.

Kaugnay nito, sinabi ni Tabulog na iniimbestigahan pa ng mga otoridad kung may kaugnayan ang dalawa sa ISIS terrorist group.