Pumalag ang Office of the Solicitor General (OSG) sa mga kumalat na balitang may papel ang mga ito sa paggawa ng affidavit ng testigo sa “Ang Totoong Narco-list” video na si Peter Joemel Advincula.
Sa press statement na inilabas ng OSG, ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) daw ang kanilang kliyente at hindi si Advincula na nagpakilalang nasa likod ng Bikoy videos dahil mayroon itong sariling pribadong abogado.
Paliwanag ng OSG base sa Executive Order No. 292 na nasa Administrative Code of 1987, Section 35, Book IV, ang OSG ang nagsisilbing pangunahing abogado ng Republika ng Pilipinas.
Kasama dito ang lahat ng departamento at ahensiya ng pamahalaan kabilang na rito ang PNP-CIDG.
Mandato raw ng OSG na pagsilbihan ang mga kliyente kapag nangangailangan ang mga ito ng legal advice.
Duty rin umano ng OSG na pangalagaan ang client-lawyer confidentiality na nasa ilalim din ng batas kayat hindi nila maidetalye ang nilalaman ng naturang kaso.