-- Advertisements --
PNP CHIEF AZURIN

Walang balak si Philippine National Police Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. na baguhin ang kasalukuyang istratehiya ng PNP sa pagpapatupad ng peace and order sa ating bansa.

Ito ay sa kabila ng naging pahayag ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na kulang sa asim at kulang sa arrive ang kapulisan ngayon dahilan kung bakit patuloy ang pagsulputan ng iba’t-ibang krimen sa bansa.

Ayon sa PNP chief, iginagalang niya ang naging pahayag na ito ng senador at nananatili aniyang mataas ang kaniyang respeto sa lahat ng naging PNP chief sa bansa.

Ngunit naniniwala siya na hindi kinakailangang takutin ang mga kriminal para maipatupad ang peace and order sa bansa at iparamdam sa taumbayan ang kanilang kaligtasan.

Paliwanag ni Chief Azurin, kapag daw kasi pinatay ang isang kriminal ay tila tinuldukan nalang agad ng kapulisan ang paghihirap nito, pero kapag ito aniya isinailalim sa tamang proseso at ipinakulong ay pagsisisihan pa nito ang lahat ng krimen kanilang ginawa habang sila ay nabubuhay at sakali aniyang mabigyan pa sila ng pagkakataon na makalaya ay mayroon pa itong choice na magbagong buhay.

Samantala sa naturang pahayag ay binigyang-diin ni PNP chief Rodolfo Azurin Jr. na ang kaniyang paniniwala ay ang panahon lang ang makakapagsabi kung anong leader ang kailangan ng Pilipinas.