Umalma si Philippine National Police (PNP) chief police Gen. Archie Francisco Gamboa sa pahayag ni Sen. Risa Hontiveros na protektado ng mga pulis ang mga Chinese prostitution-rings na nag ooperate sa bansa.
Sinabi ni Gamboa, kung sa panig ng imbestigasyon ang mga teorya ng senadora ay ispekulasyon lang.
Ayon kay PNP chief posibleng makompromiso ang mga teoryang ganito sa “objectivity” ng isang imbestigasyon dahil sa pagkaka-pokus masyado sa teorya at naisasantabi ang ibang possibilidad.
Magugunitang ibinunyag ni Hontiveros na talamak ang pangangalakal ng mga babae sa mga dayuhang nagtratrabaho sa mga POGO operations sa pamamagitan ng mga online chat rooms.
Una nang intasan ni Gamboa ang Women and children Protection Center na tutukan ang mga kaso ng prostitusyon na may kaugnayan sa mga Chinese nationals na nagtratrabaho sa POGO.
Ayon kay PNP spokesperson police B/Gen Bernard Banac na paiimbestigahan din sa PNP Anti-Cyber Crime Group ang pagbebenta ng mga babae sa pamamagitan ng internet.
Sinabi pa ni Banac seryosong tinututukan ng PNP ang nasabing kaso at ang CIDG ang nasa “forefront” sa pagsugpo sa mga krimen kabilang na ang prostitution, gambling at illegal vices.
Sa panig naman ni National Capital Region Police Office chief Maj. Gen. Debold Sinas, maituturing na “unvalidated assumption” ang pahayag ng senadora.
Siniguro naman ni Sinas na hindi sila titigil sa paglunsad ng mga raid o pagsalakay sa mga hinihinalaang prostitution dens.
Hinimok naman ni Sinas ang publiko na makipag cooperate sa kanilang kampanya laban sa mga sindikato at kapag may napapansin na kakaiba ay agad ireport sa pulisya.