Galit na hinarap ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde ang tatlong pulis na inaresto sa isinagawang operasyon kahapon sa Western Bicutan sa Taguig.
Ito’y matapos iniharap sa PNP Chief ang tatlong pulis scalawags na sina PO1 Bryan Amir Bajoof, PO1 Paolo Ocampo, at PO2 Joey Maru na siyang lider ng Maru Kidnap for Ransom Group (KRFG).
Mura ang inabot ng tatlong police scalawags lalo’t graduate pa ang dalawang PO1 sa isang unibersidad sa Metro Manila.
Kasalukuyang nakakulong na sa National Capital Region Police Office (NCRPO) detention cell ang tatlong police scalawags na kinasuhan ng robbery hold up at kidnap for ransom.
Tiniyak ni Albayalde na masisibak sa serbisyo ang tatlo at makukulong dahil makasarili ang mga ito imbes na paglingkuran ang publiko.
Samantala, hindi naitago ni Albayalde ang kaniyang pagkadismaya sa sunud-sunod na insidente ng krimen na kinasasangkutan mismo ng mga pulis, bagay na hindi raw niya hahayaang maulit pa sa susunod na mga pagkakataon.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ng PNP chief ang paghihigpit sa recruitment ng mga bagong pulis.