Plano ni PNP chief Dir. Gen. Ronald Dela Rosa na ipadala sa Marawi City ang mga police scalawags para tumulong sa isinasagawang operasyon laban sa mga teroristang Maute.

Ayon kay Dela Rosa, kaakibat nila ang pwersa ng militar sa pakikipaglaban sa Maute group na armado rin ng mga matataas na kalibre ng armas.

Umapela si PNP chief sa mga police scalawags na magbagong buhay at gumawa ng mga hakbang para makatulong sa pamahalaan.

Personal naman hiniling ng mga sugatang pulis kay Dela Rosa na huwag pabayaan ang kanilang pamilya habang sila ay nakaratay sa mga pagamutan habang ang iba ay patuloy na nakikipaglaban.

Ikinuwento ito ni Dela Rosa sa mga pulis kanina sa flag raising ceremony kung saan naging emosyunal ang heneral sa bilin ng mga sugatang pulis.