-- Advertisements --

Inatasan ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar ang Sta. Rosa PNP na makipag-ugnayan sa mga magulang ni Kabataan Partylist Laguna Chapter Coordinator Kemuel Ian Cometa para beripikahin kung nawawala nga ito.

Ito’y matapos akusahan ng Karapatan Timog Katagalugan ang PNP ng pag-ditine kay Cometa kasunod ng isinagawang raid sa isang bahay sa Barangay Macabling, Sta. Rosa City noong Mayo 21.

Una nang itinanggi ng Sta. Rosa PNP ang alegasyon at sinabing wala sa kanilang kustodiya ang bata.

Sinabi ni Eleazar, base sa police report ng Sta Rosa PNP, wala silang naabutang Kemuel Ian Cometa sa ni-raid na bahay, at hindi rin ito target ng operasyon.

Ayon kay Eleazar, mas mabuting ang mga magulang mismo ni Cometa ang magsabi sa PNP kung nawawala nga ang kanilang anak para matulungan sila sa paghahanap.

Binuweltahan naman ni Eleazar ang Karapatan sa kanilang alegasyon laban sa mga pulis at hinamon ang grupo na maglabas ng pruweba para patunayang itinatago ng mga pulis ang bata.