Pinaiimbestigahan ni PNP chief police Director General Ronald dela Rosa kung aktibo pa rin sa ngayon ang notorious na Boratong drug syndicate na nag-o-operate sa area ng Pasig at probinsiya ng Rizal.

Ito ay sa kabila ng matagal nang pagkakakulong sa Bilibid sa Muntinlupa ng drug lord na si Amin Boratong ang nasa likod ng shabu tiangge noon sa Pasig City.

Nais din mabatid ni Dela Rosa kung may kaugnayan sa sindikato ang naarestong pulis na isang tauhan ng drug enforcement team ng Teresa PNP sa bentahan ng iligal na droga sa lalawigan ng Rizal.

Sinabi ni Dela Rosa na ipakakalkal niya ang rekord ni PO1 Fernan Manimbo makaraan itong mag-alok ng mga impormasyon kaugnay ng kaniyang iligal na aktibidad.

Interesado namang malaman ni PNP chief ang mga sasabihin ni Manimbo na posibleng kumanta aniya ng iba pang pangalan ng katransaksyon nito sa iligal na droga.

Ayon kay Dela Rosa, hindi niya inaalis ang posibilidad na sa loob pa rin ng Bilibid nagmumula ang malalaking transakyon ng iligal na droga na ipinakakalat sa iba’t ibang parte ng bansa.