-- Advertisements --

Amanda

Nanindigan ang Philippine National Police (PNP)) na legal ang kanilang operasyon sa anak ng napatay na si Anakpawis chairman Randy Echanis na si Amanda Lacaba Echanis sa Cagayan.

Ito ay sa kabila ng pagkondena ng Anakpawis sa paghuli kay Amanda at sinabing iligal ang ginawa ng mga pulis dahil sa itinanim lang ang ebidensya sa biktima.

Ayon kay Sinas, kabilang si Amanda sa tinaguriang “undergound” ng komunistang grupo at hindi siya basta-basta.

Aniya, ipinatupad lamang ng mga tauhan ng PNP CIDG ang search warrant for illegal possession of firearms and explosive laban kay Amanda.

Mariing itinanggi naman ni Sinas na “planted” ang mga armas na nakuha mula kay Echanis.

Nilinaw din ng heneral na si Amanda mismo ay nais bitbitin ang kaniyang isang buwang sanggol habang hinuhuli ng mga otoridad sa Brgy. Carupian sa Baggao, Cagayan Valley.

Kaya pinagbigyan na lamang daw siya subalit may kasama naman na mga tauhan ng mula sa DSWD.

Sa ngayon nasa Region 2 police headquarters si Amanda para sumailalim sa booking procedure.

Si Amanda ang finance officer nang tinaguriang west front ng Komiteng Probinsiya ng Cagayan.

Ibinunyag din ni Sinas, na maging ang asawa ni Amanda ay lider ng rebeldeng grupo sa Cagayan.

Sa ngayon daw kasi, patuloy sa pangangalap ng ebidensiya ng PNP laban sa asawa nito.

“Ang asawa niya ay lider po ng armado sa NPA sa Cagayan Valley at siya po kaya nga may mga armas yan kasi maski tanungin mo yung asawa niya ay nasa underground at hindi yan basta basta pinamalita. Kumukuha pa kami ng mga ebidensya tungkol niyan at hindi totoong wala siya sa underground. Meron po yan. Ang problema lang kasi yung mga report namin ay walang gustong mag testify para po mafilan ng kaso so kaya nga nung natiktikan na may mga baril na iniwan sa bahay nila at may baril siya kaya nag apply ng search warrant. Hindi po totoo yan na hindi siya involved sa underground,” pahayag pa ni Gen. Sinas.