-- Advertisements --

Naibsan ang bigat ng kalooban na nararamdaman ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde matapos depensahan siya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa mensaheng ipinadala ni PNP spokesperson B/Gen. Bernard Banac mula kay Albayalde, makakaasa aniya ang publiko sa buong kooperasyon nila sa lahat ng mga imbestigasyon ng Senado, Department of Justice, at Department of the Interior and Local Government hinggil sa isyu ng “ninja cops.”

Nitong Biyernes, hindi inasahan ng mga miyembro ng PNP PRESS Corps ang pagdating ni Albayalde kung saan hindi nito napigilan na maging emosyunal sa gitna ng pagkadawit sa pagre-recycle ng iligal na droga.

Kahit pilit na isinasangkot ang pangalan ni Albayalde sa isyu ng ninja cops, tiniyak ng heneral na magpapatuloy ang kanilang pinaigting na kampanya laban sa krimen, iligal na droga, at mga tiwaling pulis na walang puwang sa hanay ng PNP.

Nananawagan ang PNP ng pagkakaisa at panalangin sa Diyos para kapayapaan at kaayusan sa ating bansa.

Si Albayalde ay nakatakdang magretiro sa serbisyo sa November 8, 2019.

Lubos ang pasasalamat nito kay Pangulong Duterte sa patuloy na kumpiyansa sa kanya at sa buong PNP.

Samantala, ipinag-utos na ng PNP chief ang pag-review sa kasong administratibo na kinasasangkutan ng mga pulis na sangkot umano sa illegal drugs recycling.

Partikular na binigyang direktiba ni Albayalde ang Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) na pangunahan ang imbestigasyon laban sa 13 pulis Pampanga na nagsagawa ng kontrobersyal na drug raid noong 2013.

Makikipag-uganayan aniya ang DIDM sa PNP-Internal Affairs Service para simulan ang summary dismissal proceedings sa mga inaakusahang pulis.

Pinatitiyak nito, “accounted” lahat ang mga sangkot at nasa Administrative and Holding Unit para makaharap sakaling ipatawag sa imbestigasyon.

Giit ni Albayalde, walang “sacred cow” sa gagawing imbestigasyon ng DIDM at lahat ng detalye ng kaso ay tututukan.