
Ipinag-utos na ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar ang paglunsad ng manhunt operations laban sa mga NPA na nasa likod ng pagpapasabog sa Masbate na ikinasawi ng football player ng Far Eastern University (FEU) na si Keith Absalon at isa pa habang sugatan ang pinsan nito.
Ayon kay Eleazar, kaniya nang inatasan ang PNP sa Bicol region na magsagawa ng manhunt operation laban sa NPA na kumitil sa buhay ng isa sa itinuturing na pag-asa sa larangan ng football sa bansa.
Batay sa ulat, isang landmine ang pinasabog ng mga rebelde habang nagbibisikleta ang magpinsan sa Brgy. Anas, Masbate City kahapon ng umaga.
“Mariin naming kinokondena ang pambibiktima ng NPA sa mga inosenteng sibilyan at hindi kami titigil sa pagtugis sa mga teroristang ito,” wika ni Eleazar.
Nagpaabot din nang pakikiramay si PNP chief sa pamilya ng mga nasawi.
Kasunod nito, inatasan ni Eleazar ang mga lokal na pulisya na paigtingin pang lalo ang police visibility sa kanilang nasasakupan upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
“I am directing all police personnel, particularly in NPA-infested areas, to be on high alert and undertake target hardening measures for possible future attacks by these communists terrorists,” pahayag pa ni Eleazar. “I am directing the local police to coordinate with the military and launch manhunt operations against the suspeks. Hindi kami titigil hanggat hindi nabibigyan ng hustisya ang mga inosenteng nasawi at nasugatan sa pagsabog na ito.”
Sa kabilang dako, ayon kay PNP Directorate for Operations director Maj. Gen. Alfred Corpus, pinalakas pa ng PNP ang kanilang hot pursuit operations laban sa NPA sa Masbate at maging sa Occidental Mindoro.
Sinabi ni Corpus, magkatuwang ang PNP at AFP sa pagsasagawa ng hot pursuit operations.
















