Inatasan ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) na mahigpit na ipatupad ang curfew hours sa oras na maging epektibo ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR.
Kasabay ito ng paghihigpit sa mga border control mula Agosto 6 hanggang Agosto 20.
Sinabi ni Eleazar na nauunawan niya ang sinasabing “quarantine burnout” na nararamdaman ng mga mamayan, pero mali aniya ang pananaw na walang nagagawa ang paghihigpit.
Ayon kay Eleazar ang mas mahabang curfew sa NCR mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas:4:00 ng umaga at striktong border control ay makakatulong upang mapigilan ang mass gathering at super spreader events.
Hinimok ni Eleazar ang publiko na sunding maigi ang minimum health safety standards at quarantine protocols para maiwasan ang pagkalat ng mas nakahahawang Delta variant.
Nakita na aniya ang epekto ng Delta Variant sa India at nararapat lang ang agarang aksiyon ng pamahalaan bago mauwi sa sisihan.
Dagdag pa ng PNP Chief, tutulong din sila sa mahigpit na pagpapatupad ng liquor ban na pina-iiral ng ilang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila.
Simula Agosto 6, sabay-sabay na ipatutupad sa buong National Capital Region ang uniform curfew, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority chairperson Benhur Abalos.