Hinikayat ni PNP Chief PGen Rodolfo Azurin Jr. ang suspendidong si Bureau of Corrections Chief Gerald Bantag na sumuko na sa mga otoridad.
Ito ay matapos ianunsyo ng Pambansang Pulisya na kinokonsidera na nila itong pugante dahil sa kinakaharap nitong kaso na nauugnay sa pamamaslang sa mamamahayag na si Percy Lapid, at umano’y middle man na si Jun Villamor.
Ayon kay Azurin, pinamumunuan sa ngayon ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group ang pagtugis sa pinaghihinalaang utak sa likod ng nasabing krimen na si Bantag, kasama ang kaniyang jail officer na si Ricardo Zulueta, at iba pa nitong mga kasamahan.
Kaugnay nito ay agad namang pinakilos ni PNP-CIDG Chief PBGen Romeo Caramat ang kaniyang mga tauhan upang tugisin ang naturang mga pugante.
Kasunod ito ng inilabas na arrest warrant ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 266 laban sa dalawa at hindi maaaring pagpiyansahan.
Matatandaang kabilang sa mga ipinag-utos ni Caramat ay ang pagbuo ng mga tracker team na sesentro sa case build up at operational research upang alamin ang kinaroroonan ng dalawang akusado.
Kasabay ng pagtiyak na ang hustisya pa rin ang mananaig sa kasong pamamaslang kay Percy Lapid at sa umano’y middleman na si Jun Villamor.