-- Advertisements --
image 286

Hindi isinasantabi ni Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. ang anggulong nagkaroon ng “foul play” sa biglaang pagkamatay ni Jun Villamor, ang umano’y middleman na itinuro ng self confessed gunman ni Percy Lapid na nasa loob ng New Bilibid Prison.

Sa katatapos lamang na pulong balitaan ngayong araw dito sa Kampo Crame ay inamin ni Azurin na duda siya sa biglaang pagkamatay ni Villamor lalo na’t kwestiyonable ngayon ang timing ng pagkasawi nito.

Nagkaroon naman daw kasi ng inisyal na koordinasyon ang pulisya sa Bilibid upang mapangalagaan ang proteksyon ng nasabing middleman ngunit tila wala raw “sense of urgency” ang pamunuan ng New Bilibid Prison hinggil sa naturang kaso.

Pwede naman kasi aniyang agad na ihiwalay ng selda si Villamor ngunit hindi ito agad na ginawa ng pamunuan ng Bilibid.

Samantala, sa ngayon ay sinusubukan pa rin ng Philippine National Police na mangalap pa ng mga dagdag na impormasyon at detalye mula sa dalawang person of interest na hawak at nasa pangangalaga ngayon ng pulisya para sa tuluyang paglutas sa kaso ng pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.

Kung maaalala, namatay si Villamor sa loob ng Bilibid sa kaparehong araw ilang oras matapos na iharap sa media ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. ang self-confessed gunman ni Lapid na si Joel Escorial.