Inalerto na rin ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng kampo nito sa Mindanao hinggil sa posibleng pag-atake muli ng suicide bombers.
Ayon kay PNP chief police Gen. Oscar Albayalde, posibleng targetin ng mga suspek ang kampo ng pulisya sa Sulu dahil dalawang beses ng naitala ang suicide bombing incident malapit sa base ng militar.
Kung maalala, nitong Linggo nang isang suicide bomber ang umatake malapit sa kampo ng 35th Infantry Battalion ng Phil Army sa Indanan, Sulu.
Noong June 28 naman isang insidente rin ang naitala malapit sa base ng 1st Brigade Combat team.
Una na ring sinabi ni West Mindanao Command commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana na may dalawa pang suicide bombers na inatasan ang teroristang ISIS na magsagawa ng pambobomba sa Mindanao.
Hinahanap at minomonitor na raw ito ng kanilang hanay.
Ayon sa PNP chief, tumutulong din ang PNP sa militar sa pagtugis sa dalawang suicide bomber sa pamamagitan na sharing of intelligence information.