LEGAZPI CITY – Kawalan ng preno ang tinitingnang anggulo sa nangyaring pagkahulog ng Eagle Star Passenger Bus sa bangin sa Brgy. Hidhid, Matnog, Sorsogon na may lalim na 40 ft.

Ayon kay PSSgt. Michael Grutas ng Matnog Municipal Police sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, tatlo sa 43 na mga pasahero ng bus ang nagtamo ng injuries na agad namang naitakbo sa ospital.

Dagdag pa ng opisyal na accident prone area ang pinangyarihan ng insidente dahil sa pakurbang kalsada.

Nabatid na bago pa man dumating ang mga pulis sa pinangyarihan ng aksidente ay may mga una nang sumaklolo sa mga lulan ng bus kaya nag-secure na lamang sila sa area.

Samantala, nakatakda namang sampahan ng kasong damage to property at physical injury ang driver ng bus na si Felix Calipes na residente ng P7, Oquendo Poblacion, Calbayog City.

Sa kabilang banda, muli namang nagpaalala ang opisyal sa mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho at siguraduhing nasa maayos na sitwasyon ang sasakyan bago gamitin.