Kung ang Philippine National Police (PNP) daw ang tatanungin, hindi issue kung papangalanan na ng Senado ang mga sinasabing “ninja cops.”
Ayon kay PNP spokesperson police B/Gen. Bernanrd Banac, rerespetuhin ng pambansang pulisya kung mapagde-desisyunan ng mga senador na isapubliko ang pangalan ng mga pulis na dawit sa illegal drug trade sa loob ng National Bilibid Prison.
Hawak na raw ngayon ng mga mambabatas ang pangalan ng mga dawit na pulis matapos ang executive session noong nakaraang linggo.
Kabilang umano rito ang isang 4-star general na sinasabing protektor ng mga ninja cops.
Umapela naman si Banac sa Senado na mag-exercise ng “due diligence” sa kanilang gagawing pagbubunyag nang maiwasan ang “undue persecution” ng mga papangalanan nila.
Nais din ng PNP na makamit ang hustisya, katarungan, at maayos na pamamahala sa pagbubunyag ng mga pangalan ng mga tinaguriang ninja cops.