CAGAYAN DE ORO CITY – Inamin ng pulisya na bumubuo ng PNP Bangsamoro Autonomous Region na nagulat sila at apektado ang kanilang moral dahil sa biglaang pagka-aresto ng kasalukuyan nila na regional director Police Brigadier General John Guyguyon mismo sa quarters nito sa Camp General Salipada Pentadun,Parang,Maguindanao kagabi.
Ito ang kinompirma sa Bombo Radyo ni Lanao del Sur Provincial Police Office spokesperson Police Maj. Alvison Mustapha patungkol sa nangyari sa kanilang top PNP official sa rehiyon.
Sinabi ng opisyal na mismo ang CIDG-BAR ang nagsilbi ng dalawang counts ng warrant of arrests kaugnay sa mga kasong syndicated estafa na nakahain sa dalawang korte sa National Capital Region.
Dagdag nito na umaasa sila na malagpasan ng heneral ang pagsubok na kinaharap nito sa kasalukuyan.
Bagamat top ranking police official,ipinakita naman ni Guyguyon na sinunod nito ang pag-uutos ng korte na kaharapin ang criminal cases na isinampa ng mga reklamante laban sa kanya.
Iginiit rin nito na nadamay lamang ito dahil sa pagsilbi nitong incorporator subalit kahit piso umano ay walang natanggap sa pinasok nila joint investment.
Tiniyak naman ni Guyguyon na kaharapin nito ang mga kaso na pending sa magkaibang korte sa Maynila.