-- Advertisements --

Pormal nang hiniling ng PNP Anti-Cybercrime Group sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na isama sila sa mga ginagawang inspection sa mga POGO (Philippine Offshore Gaming Operator) hub sa bansa.

Ito ay dahil sa paniniwala ni Anti-Cybercrime Group Director Police Brig. General Sydney Sultan Hernia na mas marami pang mga dayuhang pugante ang nagtatago sa mga POGO hubs, maliban pa sa mga nauna nang nahuli ng pulisya.

Ayon sa Heneral, natukoy ng pulisya na nagtatrabaho sa mga POGO ang mga dayuhang pugante sa dalawang nakalipas na malaking operasyon.

Ito aniya ay mistulang nagiging ‘trend’ para sa mga pugante ng ibat ibang mga bansa, kayat tiyak na mas marami pa ang nagtatago sa iba pang hub na hindi pa natutukoy o nakikita ng pulisya.

Matatandaang sa huling operasyon sa Las Piñas laban sa Xinchuang Network Technology Inc. ay nahuli ng ACG ang apat na Chinese at tatlong Taiwanese.

Ang mga ito ay pawang may kinakaharap na kaso mula sa kani-kanilang mga bansa.