Inatasan na ngayon ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group ang lahat ng mga ACG commanders na paigtingin pa ang kanilang isinasagawang Cyber Patrolling bansa.
Sa gitna ito ng patuloy na pagkalat ng mga video ng ibat-ibang uri ng krimen tulad ng attempted rape, kidnapping, at iba pa.
Ayon kay PNP-ACG Acting Director PBGen. Joel B. Doria, bukod sa pagpapaigting ng Cyber Patrolling ay layunin din ng direktibang ito na i-validate ang lahat ng mga video na kumakalat ngayon sa social media.
Batay kasi sa mga nauna nang validation ng ahensya, lumalabas na karamihan sa mga videos na ito ay nangyari ilang taon na ang nakakalipas at naresolba na rin ng PNP.
May ilang indbidwal kasi na nagre-recycle aniya ng mga video na ito upang makakuha pa ng mas maraming followers o di kaya’y palabasin na unstable ang ating pamahalaan.
Ito ang dahilan kung bakit ipinag-utos ngayon ng opisyal sa kaniyang mga nasasakupan ang pagpapaigting pa ng cyber patrolling upang matiyak na maite-take down na ang mga peke at malisyosong videos na nagdudulot ng kalituhan sa taumbayan.