-- Advertisements --

Nilinaw ng Philippine Medical Association (PMA) na tanging booster shots lamang ang sakop ng kanilang bakunahan laban sa COVID-19.

Ito ang pahayag ng PMA sa gitna ng isinasagawang pagpapalawig ng pamahalaan sa bakunahan, kasabay ng isinasagawang tatlong araw na National Vaccination Day na sinimulan na ngayong araw hanggang sa Disyembre 1, 2021.

Sa isang pahayag ay nilinaw ni PMA president Dr. Benito Atienza, na nananatiling booster shots vaccination lamang para mga priority group ang ibinibigay ng kanilang asosyon sa gitna nang isinasagawang Bayanihan Bakunahan ng pamahalaan sa bansa.

Ito ay matapos na mag walk-in at pumila sa kanilang tanggapan ang ilan sa ating mga kababayan dahil sa kumalat na fake news noong Sabado na nagsasabing nagsasagawa rin umano ng regular vaccination ang kanilang institusyon bilang pakikibahagi nito sa nasabing tatlong araw na malawakang bakunahan sa Pilipinas.

Paglilinaw niya, ang PMA lamang ang nagmungkahi ng National Vaccination Days ngunit hindi aniya sila kabilang sa mga makikibahagi sa isasagawang regular na bakunahan laban sa COVID-19 virus.

Aniya, ang mga bakunahan ay ikino-coordinate ng pamahalaan sa mga local government units at hindi ito nangmumula sa mga doctor association tulad na lamang ng PMA.

Dagdag pa niya, ang bakunahan ng booster shots ay isinasagawa sa Philippine Auditorium sa lungsod ng Quezon City habang ang mga indibidwal na nagnanais na magpabakuna ng first o second dose ay ini-rerefer nila sa walk-in vaccination na isinasagawa naman sa SM Sky Dome.

Samantala, sinabi rin ni Atienza na by appointment ang bakunahan ng booster shots sa Philippine Auditorium at maaari aniya na magregister sa online website ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang mga nagnanais na makatanggap nito. (Marlene Padiernos)