BAGUIO CITY – Kontento si Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde sa takbo ng imbestigasyon ng Baguio City Police Office (BCPO) at Cordillera -NP sa kaso ng pagmaltrato kay 4th Class Cadet Darwin Dormitorio.
Ayon kay Albayalde, “very satisfied” siya sa performance ng mga imbestigador sa kaso kung saan marami pang mga nagsasalita.
Parami ng parami aniya ang mga lumalabas na diumano ay na-hazing din na may kinalaman sa kaso ng pumanaw na kadete.
Ayon naman kay BCPO City director P/Col. Allen Rae Co, pinag-aaralan nila ang kasong murder maliban pa sa paglabag sa Anti-Hazing Law na isasampa laban sa anim na suspek na binubuo ng isang 1st Class Cadet, apat na 3rd Class Cadets at isang 2nd Class Cadet.
Gayunman, nasa Prosecutor’s Office na raw kung ano ang kaukulang kaso na dapat maisampa sa korte laban sa mga suspek.
Posible ring sampahan nila ng criminal negligence ang dalawang medical personnel ng PMA Station Hospital dahil sa maling diagnosis kay Cadet Dormitorio.
Naniniwala siya na malakas ang ebidensiya sa kasong murder dahil may nakitang “evident premeditation” mula sa mga suspek na pisikal na pahirapan si Dormitorio.