-- Advertisements --
santos x abalos

Urong-sulong ngayon si dating Deputy Chief for Operations PLTGEN Benjamin Santos Jr. pahinggil sa pagtalima sa panawagan ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. na boluntaryong magsumite ng leave of absence ang mga police official na umano’y sangkot sa 990 kilos biggest drug haul sa kasaysayan ng Philippine National Police.

Ito ay matapos na mapabilang si Santos sa mga pinangalanan ni Abalos sa sangkot sa nasabing kaso at nagtangka pa umanong pagtakpan ito.

Sa ginanap na pulong balitaan ngayong araw ay inamin ni Santos na nahihiwagaan siya sa naturang panawagan ni Abalos sa kadahilanang kasalukuyan siyang nasa floating status ngayon matapos siyang sibakin sa kaniyang pwesto noong nakaraang buwan nang dahil sa hindi raw niya malamang dahilan.

Paliwanag pa niya, applicable lamang ang ganitong klaseng order sa mga aktibong pulis sa serbisyo dahil pinagli-leave lamang aniya ang isang opisyal upang hindi ito makapang-impluwensya pa ng kapwa.

Kaugnay nito ay binigyang-diin din ni Santos na wala siyang kinalaman sa mga alegasyong ibinabato sa kaniya hinggil sa naturang kaso.

Una na niyang sinabi na walang basehan ang lahat ng mga akusasyon na ito dahil hindi aniya ito dumaan sa due process at tanging CCTV footage lamang ang naging batayan nito.

Samantala, kumpiyansa naman ang abogado ni Santos na si Atty. Winston Ginez na malilinis ang pangalan ng kaniyang kliyente mula sa pagkakadawit nito sa naturang kaso.