-- Advertisements --
image 124
Photos: Kimmy Urboda/Wilson Tolentino/Hanzel Castañeda

Naging matagumpay ang isinagawang plebesito sa Ormoc City nitong Sabado, October 8, 2022 ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Ang plebesitong ito ay layuning pagsamahin ang 28 mga barangay sa nasabing lungsod at gawin itong “super barangay” kasabay ng pagpapalit sa pangalan nito.

Batay sa datos ay umabot sa 5,335 ang bilang ng mga indibidwal na bumoto sa nasabing plebesito, nasa 4,767 ang sumang-ayon na pag-isahin na lamang ang nasabing mga barangay, habang nasa 538 lamang ang bilang ng mga indibidwal na hindi pumabor.

Dahil dito ay pagsasamahin at magiging isang “super barangay” na ang dating mga Barangay 1 hanggang 8, 12, 13, 15, 17, 23, at 27 na papangalanan naman bilang Barangay South Poblacion.

Tatawagin naman bilang Barangay East Poblacion ang mga mula Barangay 9 hanggang 11, 16, 18, 25, at 28.

Habang Barangay West Poblacion naman ang itatawag sa mga dati’y Barangay 14, 19, hanggang 22, 24, at 26; at magiging Barangay North Poblacion naman ang dati’y Barangay 29.

Sa isang pahayag ay nagpahayag ng kagalakan si Comelec chairman George Erwin Garcia dahil aniya sa napakaayos at napakagandang nangyari sa naturang plebesito, gayundin sa dami ng mga indibidwal na nakilahok dito.

“We are happy that many people came at napakaayos, napakaganda ng nangyaring plebisito. What’s important is that the people who are involved were able to express their sentiments, to express their feelings. Because in the final analysis, what is at stake here is the future of the city,”

Samantala, sinabi naman ni Comelec Regional Director Jose Nick Mendros isinagawa ang naturang aktibidad sa Ormoc City Central School kung saan nasa 105 na mga guro ang inatasan na mag-facilitate sa voting process sa 35 polling precincts mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.

Ayon naman sa lokal na pamahalaan ng nasabing lungsod ay nasa Php8 million ang halaga ng kanilang itinalagang budget para sa nasabing plebesito kabilang na ang honoraria para sa mga gurong nagsilbi rito.

Kung maaalala, Enero 19, 2021 nagpasa ng ordinansa ang Ormoc City Council para sa pagsasagawa ng plebesito sa kanilang lugar na pinagtibay naman n Comelec Resolution No. 10796.

Bagay na ipinaliwanag ni Ormoc City Mayor Lucy Torres Gomez na layuning makapagbigay ng mas magandang serbisyo sa lahat ng residente ng nasabing mga baranggay ang naturang halalan.