-- Advertisements --

Ipinagpaliban ng Bureau of Corrections (BuCor) na planong pagtatayo ng headquarters nito sa Masungi Georeserve matapos umani ng batikos mula sa environmental groups na nauna ng nagbabala sa maaaring idulot na pinsala ng nasabing plano sa biodiversity at likas na yaman ng upper Marikina watershed.

Inanunsiyo ito ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. sa isinagawang pagdinig sa planong kontruksiyon habang masinsinang pinag-aaralan pa ito.

Umaasa naman ang BuCor chief na matutulungan sila ng urban planner o environmental planner para magsagawa ng pag-aaral sa epekto sa kalikasan ng pagpapatayo ng gusali sa loob ng 270 ektaryang lupain sa Masungi.

Inaasahan ayon kay Catapang na magtatagal ang naturang pag-aaral ng anim na buwan hanggang isang taon.

Subalit paliwanag ng opisyal na kapag hindi matutuloy ang naturang plano maglalagay na lamang ng forest rangers sa lugar at agro-forest team ng BuCor para tumulong para sa pangangalaga sa ecosystem sa lugar.

Magugunita na umani ng batikos ang plano ng BuCor na ilipat ang headquarters nito at training institue sa loob ng Masungi Georeserve na matatagpuan sa may paanan ng Sierra Madre at parte ng 26,000 ektarya ng Upper marikina River Basin Protected Landscape na pinangangambahang masira dahil sa pagtatayo ng himpilan ng BuCor sa lugar.