-- Advertisements --

SPARU1

Napigilan ng mga awtoridad ang tangkang pagpatay ng NPA sa mga opisyal ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ito ang inanunsyo ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. matapos na mapatay ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulis ang tatlong miyembro ng NPA Special Partisan Unit (SPARU) sa operasyon kaninang pasado hatinggabi sa Buena Rosa Subdivision, Bgy. Macabling, Sta. Rosa City,Laguna.

Nagsilbi ang mga awtoridad ng limang arrest warrant para sa kasong murder at frustrated murder laban kay NPA leader Rommel Rizza alias Jomar/Bernie, ang commanding officer ng NPA Regional Special Operations Group sa Southern Tagalog, at miyembro ng executive committee ng Regional Party Committee.

Namatay sa pakikipagpalitan ng putok sa mga operatiba si Rizza, at dadalawang kasamahan nitong kinilalang sina alyas Ka Blue/Billy, ang Medic at Supply Officer; at alyas Ka Dean, ang intelligence officer ng grupo.

Narekober sa mga suspek ang isang M16 armalite rifle, 2 caliber 45 pistols, mga electronic devices at subersibong dokumento.

Ayon kay Esperon, ang misyon ng grupo ay likidahin ang mga Spokesperson ng NTF-ELCAC na kinabibilangan ni Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., PCOO Undersecretary Lorraine Badoy, Undersecretary Jonathan Malaya, Usec. Severo Catura, Usec Joel Sy Egco; Asst. Secretary Celine Pialago; Atty. Marlon Bosantog at Gaye Florendo.

Samantala, kinumpirma ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar na napatay sa ikinasang law enforcement operations ang tatlong miyembro ng hit squad ng NPA.