Nangako si Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan na hahanap ng alternatibong pondo para sa Commission on Higher Education (CHED) sa ilalim ng 2027 national budget sakaling maisabatas ngayong taon ang panukalang nag-aalis sa travel tax.
Sa kasalukuyan, nasa 40 porsiyento ng kabuuang koleksiyon mula sa travel tax ang napupunta sa CHED. Bahagi nito ang ginagamit para pondohan ang Higher Education Development Fund (HEDF).
Ayon kay Yamsuan, kailangan tiyaking hindi maaapektuhan ang mga programa ng CHED, kabilang ang scholarships, research at iba pang proyekto para sa higher education.
“Kami po ay magtatrabaho sa Kongreso para hanapan kayo ng alternative sources of funding once mangyari po ang pagsasabatas ng abolition ng travel tax (We will work in Congress to look for alternative sources of funding once the travel tax measure is enacted into law),” pahayag ni Yamsuan kay CHED Chairperson Shirley Agrupis sa pagdinig ng House Committee on Appropriations’ budget deliberations nuong nakaraang linggo.
Nauna nang sinabi ni CHED Chairperson Shirley Agrupis na maaaring mawalan ng 85.6 porsiyento ng pondo ang HEDF kapag tuluyang inalis ang travel tax at walang kapalit na funding source.
Inaprubahan na ng House of Representatives noong Marso 16 ang panukalang nag-aalis sa travel tax.
Samantala, hinimok ni Yamsuan ang CHED na makipagkonsultasyon sa mga Local Universities and Colleges (LUCs) para mas marami sa mga ito ang maging kuwalipikado sa Tulong Dunong Program (TDP).
Nagbibigay ang TDP ng hanggang P7,500 kada semestre o P15,000 kada school year sa mga kwalipikadong estudyante sa kolehiyo.
Sa 170 LUCs sa bansa, 116 lamang ang kinikilala ng CHED at kuwalipikadong tumanggap ng TDP grants.
Ayon kay Yamsuan, may ilang aplikante sa kanyang distrito na hindi nakatatanggap ng ayuda dahil hindi accredited ng CHED ang kanilang paaralan o kurso.










