Pabor ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa planong kumuha ng karagdagang supply ng tubig mula sa Laguna Lake.
Inihayag nina Environment Sec. Roy Cimatu at General Manager Jaime Medina ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) ang naturang plano sa budget briefing ng DENR sa House appropriations committee.
Ayon kina Cimatu at Medina, bahagi ito ng kanilang plano para maresolba ang krisis sa tubig na kamakailan lang ay pinroblema ng mga taga-Metro Manila.
Iginiit ng kalihim na palaki na ng palaki ang populasyon sa Metro Manila at nagbabago na rin ang computation sa water consumption kaya mainam na rin na kumuha ng karagdagang supply ng tubig mula sa Laguna Lake.
Sinabi naman ni Medina na para hindi lahat didipende ang dalawang water concessionaires sa Angat Dam, makakabuti kung kumuha na rin sa Laguna Lake.