Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang ilan sa mga bagong site na tinutumbok na mag-host ng mga tropang Amerikano sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ay nasa Palawan, sa northern at southern na bahagi ng Pilipinas.
Sinabi ni Pang. Marcos na ang mga bagong site ay natukoy na at isang pormal na anunsyo ang gagawin sa lalong madaling panahon.
Kung matatandaan, ang Department of National Defense (DND) noong Pebrero ay nag-anunsyo ng kasunduan na nagbibigay sa mga tropang Amerikano ng access sa apat pang base sa mga strategic na lugar ng bansa.
Ito ay may layuning mapabilis ang buong pagpapatupad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Ayon kay Pang. Marcos na nakipag-ugnayan na ang kanyang administrasyon sa mga local government units na nagpahayag ng pangamba sa pagtatatag ng mga nasabing sites sa kanilang mga lokalidad.
Aniya, ipinaliwag na sa kanila ang kahalagahan ng Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA sites.
Ang limang kasalukuyang lokasyon ay Antonio Bautista Air Base sa Palawan, Basa Air Base sa Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu, at Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro City.