-- Advertisements --
image 106

Hinimok ng transport group na PISTON ang gobyerno na ibasura ang Oil Deregulation Law sa halip na ilipat ang bigat ng pagtaas ng presyo ng gasolina sa mga driver at commuter.

Ayon kay PISTON National President Mody Floranda, panawagan nila sa gobyerno, baka kailangang tanggalin ang Oil Deregulation Law dahil ito ang sanhi ng taas-babang presyo ng petrolyo sa bansa.

Binigyang-diin niya na ang P1 na provisional fare increase ay bahagyang makakatulong sa mga driver, ngunit hindi pa rin ito makatuwiran, lalo na’t umabot sa P19 kada litro ang pagtaas ng gasolina.

Binanggit ng PISTON na nabigo ang Oil Deregulation Law na ibigay ang orihinal nitong pangako na babaan ang mga presyo ng gasolina sa pamamagitan ng unrestricted trade at mula noon ay nagbigay sa mga oil companies ng kalayaan na itaas ang mga presyo ng gasolina nang walang government oversight.

Matatandaan na noong Martes, inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang P1 provisional increase sa minimum fare para sa public utility jeepneys (PUJs) simula Linggo, Oktubre 8.

Naabot ang desisyon kasunod ng pagdinig sa pagitan ng LTFRB, ilang grupo ng transportasyon at commuter sa mga petisyon sa pagtaas ng pamasahe sa gitna ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.