CAUAYAN CITY- Muling kinondena ng PISTON ang nakaambang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Mody Floranda, national chairman ng PISTON na hindi lang ang mga tsuper ng mga pampasadang sasakyan ang apektado kundi lahat ng sektor dahil ang epekto nito ay ang pagtaas din ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Tahasan itong pagsalaula aniya ng mga kompanya ng langis sa Oil Deregulation Law na nagpapahintulot sa kanila na magpasya sa pagtaas ng presyo ng langis dahil mayroon namang sapat na supply na umaabot ng tatlo hanggang anim na buwan.
Tinutuligsa nila ang lingguhang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo gayong ang supply ay nabili pa nila noong Abril ng isandaang dolyar bawat bariles.
Ayon kay Ginoong Floranda, may mga operator na ang hindi ipinapasada ang kanilang jeep o utility vehicle dahil abonado sila sa gastusin sa krudo bunga ng mataas na presyo nito.
Ang mga tsuper naman ay naghanap na ng alternatibong mapagkakitaan tulad ng pagtatrabaho sa construction at pagbebenta ng mga produkto para mabuhay ang kanilang pamilya.
Hinggil sa fuel subsidy sinabi ni Ginoong Floranda na marami pa ang hindi nabigyan sa mga tsuper ng mga pampasadang sasakyan.
Ayon kay Ginoong Floranda, sa inagurasyon ni President elect Bongbong Marcos sa June 30, 2022 ay magsasagawa sila ng kilos protesta para iparating ang hinaing public transport.