-- Advertisements --

Nangako ang Pamahalaang Lungsod ng Quezon City na aayusin nito ang drainage system sa lungsod matapos hindi nito kinaya ang napakaraming tubig-ulan na bumuhos sa napakaikling oras noong hapon ng Sabado, Agosto 30 na nagresulta ng malalang pagbaha maging sa mga lugar na hindi karaniwang binabaha.

Ayon sa LGU, itinuturing na “phenomenal” ang naranasang ulan na nagdulot ng pagbaha sa mga pangunahing kalsada sa Quezon City at maging sa bahagi ng Nangka, Marikina.

Binigyang-diin naman ng Engineering Department na ang tuloy-tuloy na paglilinis at declogging efforts ang dahilan kung bakit mabilis ring humupa ang baha.

Patuloy namang isusulong ng lungsod ang ganap na pagpapatupad ng Drainage Master Plan (DMP) bilang pangmatagalang solusyon sa problema sa baha, kapalit ng mga flood control projects na hindi kinonsulta sa LGU.

Samantala, ayon kay QC Councilor Alfred Vargas, chair ng Committee on Disaster Risk Reduction, ang matinding pagbaha ay epekto rin ng global warming. Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng mas maigting na koordinasyon sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan at ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa maayos at sabayang pagpapatupad ng mga proyekto sa drainage, lalo na sa mga national roads.

Nakatakda ding magsumite ang QC official ng panukala upang gawing opisyal na batayan ng lahat ng flood control projects sa lungsod, lokal man o national, ang QC Drainage Master Plan.