Nagluluksa ngayon ang Archdiocese of Cebu kasunod ng pagpanaw ni Rev. Msgr. Frederick B. Kriekenbeek noong Setyembre 26, sa edad na 90 anyos.
Ipinanganak si Fred noong Abril 12, 1932.
Likas na magaling ito sa ‘healing at deliverance’ at naging isa sa mga pioneering exorcist sa Cebu sa loob ng 60 taon.
Inilarawan pa ito ng mga taong napalapit sa kanya at sa komunidad na kanyang itinatag bilang isang holy priest, visionary, missionary, isang evangelizer, espirituwal na tagapayo at likas na may kakayahan sa pagpapagaling.
Sa kanyang kabataan, naging iskolar ito ng Harvard sa Harvard Law School ngunit mas pinili niya ang tawag sa ministeryo bilang pari. Naordinahan naman ito bilang pari noong Pebrero 2, 1961 sa St. John’s Seminary, Massachusetts.
Dati siyang naglilingkod sa maraming parokya at iba’t ibang ministeryo sa Archdiocese hanggang sa itinatag niya ang Living the Gospel Community (LGC), at ang Mary’s Little Children Community (MLCC).
Naging instrumento din ito sa pagtatatag ng Catholic Charismatic Renewal Movement (CCRM) gayundin sa paglago ng Catechetical Training Institute sa Archdiocese of Cebu (CATIC).
Nakahimlay ngayon ang labi ni Fred sa Sacred Heart Parish Mortuary sa Jakosalem St. nitong lungsod ng Cebu at ililipat naman bukas ng umaga Setyembre 29 sa Mary’s Little Children Community – Mother House and Healing Center- Chapel sa Tabunok, Talisay City.
Sa Sabado, Oktubre 1, 2022 sa 7AM, dadalhin naman ang labi nito sa Living the Gospel Community – Mother House at Formation House- Chapel, Nazareth sa Mantalongon bayan ng Barili at sa ganap na 3:00PM, idaraos ang funeral mass.